Ano ang kahulugan ng Parabula?
Ang artikulong ito ay naglalayon na ipaliwanag ang kahulugan ng PARABULA at magbigay ng mga halimbawa nito.
Ito ay isang maikling kwento na may aral na kalimitang hinahango mula sa Bibliya. Minsan ito ay tinatawag rin na talinghaga o talinhaga. Sa wikang Ingles, ito ay tinatawag na parable at ito ay galing sa salitang Griyego na parabole na ibig sabihin ay sanaysay.
Ang parabula naglalayong magbigay ng mabuting ehemplo at aral na magiging gabay sa araw na araw na pamumuhay ng mga tao.
Narito ang ilang mga halimbawa ng parabula.
Ang isang mayamang ama’y may dalawang anak na kapwa lalaki. Hiniling ng batang anak na ang ganang kanya sa kayamanan ng kanyang ama ay ibigay na sa kanya. Nang makuha na nang bunso ang kanyang mana ay tumungo sa malayong bayan at nilustay ang kabuhayang ipinagkaloob ng ama.
Naubos na lahat ang kanyang salapi. Namumulubi siya at nang wala nang makain ay inisip nang bumalik sa dating tahanan upang makain man lamang niya ang kinakain ng alila ng kanyang ama. Gayon na lamang ang galak ng kanyang ama, sinalubong ng yakap at halik ang bumalik na anak. Inutusan ang isang alila na bigyan ang anak ng pinakamagarang kasuotan, ipinasuot sa daliri ang isang mamahaling singsing at ipinagpatay ng isang matabang baka.
Namangha ang matandang kapatid nang dumating siya sa kanilang tahanan. Nang malaman niya ang sanhi ng kasayahan ay nagalit nang gayon na lamang at sinumbatan ang ama. “Akong masunurin ninyong anak na buong katapatang naglilingkod sa inyo ay hindi ninyo naipagpatay kahit isang guya man lamang. Ngayong dumating ang alibughang anak ninyo ay gugugol kayo nang malaki at magdiriwang.”
Sumagot nang marahan ang ama. “Anak ko, ikaw ang lagi kong kapiling. Ang lahat ng akin ay iyo. Tayo’y nagsasaya ngayon sapagkat ang kapatid mong namatay ay muling nabuhay, nakita nating muli ang nawala.”
Talinghaga ng Nawawalang Tupa
Minsan may isang pastol na may isandaang tupa na inaalagaan. Bawat isa ay kanyang iniingatan at ginagabayan. Pinoprotektahan din niya sa mga lobo ang kanyang mga tupa, at itinutuwid ng landas sa tuwing sila’y maglalakbay.
Ngunit isang araw, nang bilangin ng pastol ang kanyang mga tupa’y bigla siyang nanlumo.
Siyamnapu’t siyam lamang ang kanyang bilang. May isang tupa na nawawala. Sa katunayan, ang tupang iyon ang pinakamaliit sa lahat. At hinding-hindi niya makakalimutan ang itsura nito at ang tinig nito, bagama’t halos pare-pareho ang itsura ng mga tupa.
Kaagad kumilos ang pastol. Inayos niya ang siyamnapu’t siyam niyang tupa sa isang tabi, at siya ay lumisan upang hanapin ang nawawalang tupa. Hindi lubos maintindihan ng naiwang mga tupa kung bakit ganoon na lamang ang pagpapahalaga ng kanilang amo sa isang nawawalang tupa at handa nitong iwan silang siyamnapu’t siyam. Hanggang sa magbalik ang kanilang amo. Dala na nito ang nawawalang tupa at ito ay maligayang-maligaya!
Ang sabi ng pastol sa kanyang mga tupa, Sinuman sa inyo ang mawala, hahanapin ko din. Kung papaano kong hinanap ang isang ito. Dahil lahat kayo ay mahalaga sa akin.
Ang Pinakamaliit na Bato
Ang guro at ang kanyang mga estudyante ay naglalakad sa isang bulubunduking lugar. Malayo pa ang kanilang lalakbayin. Ang mga estudyante ay nakaramdam na ng gutom. Wala naman silang nadaraanang puno na may bunga para makapitas sila ng makakain. Dalawang batis na ang kanilang dinaanan. Uminom silang lahat sa dalawang batis. Napawi naman ang kanilang uhaw. Ang hindi lang nawala ay ang nararamdaman nilang matinding gutom.
Wala rin naman mga bahay at tindahan sa kanilang dinaraanan. Maaari sana silang bumili o humingi ng anumang pagkain para mapawi ang kanilang gutom. Nahihiya naman silang magsabi sa kanilang guro.
Alam nilang ang kanilang guro ay mayroong kapangyarihan. Kung gugustuhin nito ay maaari itong makagawa ng pagkain para sa kanilang lahat. Kaya laking pasasalamat nila ng huminto sa paglakad ang kanilang guro at humarap sa kanilang lahat.
Malayo pa ang ating lalakbayin, sabi nito.
Kailangang magkaroon tayo ng panibagong lakas. Dumampot kayo ng tig-i-tig-isang bato at dalhin ninyo, dagdag pa nito.
Nagdamputan naman ang mag estudyante. Mayroong dumampot ng malaki at mayroong maliit. Isa sa mga estudyante si Islaw. Naiinis siya sa kanilang guro dahil gutom na nga sila at pagod ay pagdadalhin pa sila ng bato. Sa inis niya ay maliit na maliit na bato lang ang kanyang dinala’t lihim pa niyang pinagtawanan ang ibang kasama dahil malalaki pang bato ang kinuha ng mga ito.
Pagsapit nila sa isang batis ay sinabi ng guro na magpapahinga muna sila doon at kakain.
Saan po tayo kukuha ng kakainin? inis na tanong ni Islaw.
Iyang mga batong pinadala ko sa inyo ay gagawin kong tinapay, sagot ng guro. Iyan ang magiging pagkain ninyo.
Sa isang pitik ng daliri ng guro ay naging tinapay nga ang mga batong dinala ng bawat isa. Sising-sisi si Islaw dahil sa pinakamaliit ang dala niyang bato.
Basahin din: PANITIKAN: Mga Halimbawa Ng Mga Uring Patula At Tuluyan O Prosa