Ano ang panitikan sa panahon ng Hapon? Alamin at pag-aralan.
PANITIKAN SA PANAHON NG HAPON – Pagtalakay ng kasaysayan ng panitikan sa panahon kung kailan ang Pilipinas ay nasakop ng mga Hapones.
Ilan sa mga layunin ng mga Hapon sa pagsakop ng bansang Pilipinas ay upang mapalawak ang kanilang teritoryo, may mapagdalhan ng kanilang mga produkto, may mapagkukuhaan ng mga hilaw na materyal, at ang layuning magtatag ng bagong kaayusan sa Asya na tatawaging Greater East Asia Co-Prosperity Sphere.
Naapektuhan ang buong bansa at naging malagim ang Pilipinas sa mga panahong ito sa ilalim ng mga Hapones pero hindi maikakaila ang ilang mga impluwensya nila sa bansa lalo na sa panitikan.
May mga impluwensya sa panitikan sa panahon ng Espanyol at mayroon din mula sa panahon ng Hapon.
Sinasabi na ang panahon ng Hapon ang “Gintong Panahon Ng Filipino” kung kailan namayagpag ang mga maikling kwento, sanaysay, tula, at dula na naisulat sa wikang Tagalog. Nakatulong dito ang pagbabawal ng pamahalaang Hapon na sumulat gamit ang wikang Ingles.
Ang mga tula na namayagpag ay ang Haiku, Tanaga, at ang karaniwang anyo.
Mga paksa
- Ang mga maikling kwento, tula, dula, nobela, at mga salaysay ay madamdamin at makabayan pero hindi nababanggit sa tuwirang paraan.
- Natalakay ang tungkol sa mga uri ng pamumuhay sa lungsod, sa karalitaan, pagdarahop, at iba pa.
- Naging karaniwang paksa rin ang pamumuhay sa lalawigan ng mga Gerilya, HUKBALAHAP, at iba pa.
Ang tema sa panahong ito ay sumisentro sa pagiging makabayan, pag-ibig, kalikasan, pananampalataya, at pagiging matapat. Naging malaya ang mga manunulat sa panahong ito at kadalasan, ang mga akda na pumupuri at kumikilala sa mga Hapon ang kadalasang nalathala.
Tatlong pinakamahusay na maikling kwento sa panahong ito:
- Lupang Tinubuan ni Narciso G. Reyes
- Uhaw Ang Tigang Na Lupa ni Liwayway Arceo
- Lunsod, Nayon, at Dagat-dagatan ni Nestor Vicente Madala Gonzalez
Iba pang mga maikling kwento:
- May Umaga Pang Daratal ni Serafin Guinigundo
- Sumikat Na Ang Araw ni Gemiliana Pineda
- Dugo At Utak ni Cornelio Reyes
- Mga Yabag Na Papalayo ni Lucia A. Castro
- Tabak At Sampaguita ni Pilar R. Pablo
- Madilim Pa Ang Umaga ni Teodoro A. Agoncillo
- Ikaw, Siya, at Ako ni Brigido Batungbakal
- May Uling Sa Bukana ni Teo B. Buhain
Sa mga dula, ang mga kadalasang paksa ay tungkol sa pag-ibig ng ina sa anak, pagmamahal sa isang tao, at pag-ibig sa tinubuang lupa. Ang mga uri na pinahintulutan ay tradisyunal, historikal, propaganda, nagtatampok ng ordinaryong tao, musical fantasy, at relihiyoso.