Ano ang journalistic na pagsulat at ano ang mga saklaw nito?
JOURNALISTIC NA PAGSULAT – Ito ang pagsulat na tinatawag din na pagsulat pangmamamahayag na ang layunin ang maghatid ng makatotohanang impormasyon sa mga tao.
Ang journalistic na pagsulat o pagsulat pangmamamahayag ay isang uri ng pagsulat na sumasagot sa mga tanong na Sino, Ano, Kailan, Saan, at Bakit. Ang mga saklaw ng pagsusulat na ito ay mga balita, editoryal, kolum, lathalain, at iba pa. Ang paraan ng pagsulat nito ay tuwiran at hindi paligoy-ligoy.

Ang layunin nito ay maghatid ng mga balita, impormasyon, at kwentong makatotohanan sa mga tao. Ang uring ito ay isang mahalagang anyo ng komunikasyon sa lipunan. Ito ang paraan para maiparating sa publiko ang mga kaganapan, isyu, at balita na may kaugnayan sa lipunan sa pamamagitan ng mga pahayagan, radyo, telebisyon, at sa modernong panahon, mayroon na tayong mga online platforms.
Sa pagsulat nito, nararapat na ang may-akda ay obhetibo. Ang mga balita ay hindi dapat nilalagyan ng personal na opinyon at mahalaga na maipakita ang dalawang panig ng isyu at hayaan ang mga mambabasa na humusga. Isa sa mga pinakamahalagang aspeto nito ay pagsulat ayon sa tumpak na mga impormasyon. Kailangan na ang mga impormasyon, pangalan, lugar, oras, at iba pang detalye ay tiyak at totoo.
Mayroon din itong sinusunod na istruktura na tinatawag na inverted pyramid o pabaligtad na tatsulok. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng paglatag ng pinakamahalagang impormasyon sa simula pa lamang. Ang mga talata na sumusunod ay mga detalye at mga paliwanag.
Ang mga iba’t ibang anyo nito ay:
- balita (news)
- panayam (interview)
- lathalain (feature)
- editoryal
- komentaryo
Ang pagsulat na ito ay hindi lamang simpleng pag-uulat. Ito ay isang mahalagang bagay sa pagpapahayag ng katotohanan para magbigay-linaw, magmulat, at magbigay-boses sa mga wala. Ang bawat artikulo ay may sinusunod na prinsipyo at mahalaga na maging responsable sa pamamahayag.