Ang Mahiyaing Manok ni Rebecca Añonuevo-Cuñada

Basahin ang buong kwento ng Ang Mahiyaing Manok ni Rebecca Añonuevo-Cuñada.

ANG MAHIYAING MANOK ni Rebecca Añonuevo-Cuñada ay isang kwento na nagtataglay ng mga mahahalagang aral sa buhay.

Isang kwento na nagbibigay-aral tungkol sa pagbibigay-halaga sa pagtanggap sa pagkakaiba-iba ng personalidad. Ito ay umiikot sa isang manok na may kakaibang ugali – isang manok mahiyain. Hindi siya sumasali sa mga kasamahan na malakas tumilaok at matapang. Siya ay nagkukubli lamang na sa sobrang hiya, ay ayaw niyang ipakita ang sarili sa iba.

Ang Mahiyaing Manok

Dahil dito, siya ay minamaliit ng iba at hindi nabibigyan ng pagkakataon na ipakita ang kanyang kakayahan. Subalit dumating ang panahon kung saan siya ay nabigyan ng pagkakataon na ipakita ang kanyang tapang at kakayahan, at ito ay sa panahon ng panganib o pangangailangan. Hindi ito inaasahan ng iba at dito nila napagtanto na hindi dapat husgahan ang isang nilalang batay lamang sa kanyang panlabas na anyo o katahimikan.

Basahin ang buong kwento:

Ang Mahiyaing Manok”
ni Rebecca Añonuevo-Cuñada

Parang hindi napapagod
Ang mga manok ni Mang Oca.
Pag nagsimula ang isa,
Susunod ang iba
Sa pagtilaok halos oras-oras. 
Mula umaga hanggang tanghaling-tapat,
Hanggang hapon, hanggang hatinggabi —
Lahat sila’y nakadilat.
Lahat sila’y nagpupuyat.

“Taktalaooooooooook!”
“Taktalaooooooooook!”
“Taktalaooooooooook!”
“Taktalaooooooooook!”
“Taktalaooooooooook!”
“Taktalaooooooooook!”

“Ta-tak-tak-tok-tuk.”
Si Onyok, ang bunsong manok,
Ang bukod tanging nagmumukmok.
Namumula na naman ang tuka
Ay hindi pa rin makatilaok.

Minsan ang tuka niya ay biglang nangitim,
Nalublob sa putik sa loobang kulimlim:
Mula noon ay lalong hindi siya makatingin
Sa mga manok na salo-salo pa naman kung kumain.

Lagi siya sa isang sulok.
Inaantok.
Sumisinghot.
Namamaluktot.
Tuka’y tumitiklop
Pag nagtangkang tumilaok.

Ubo, ubo lang ang tunog
Na kaya niyang ibuga.
Akala tuloy ng iba,
Nakalulon siya ng itlog
Na kailangang iluwa,
At hindi siya ang manok 
Na sa itlog nagmula.

Akala naman ni Onyok,
Parati siyang pinagtatawanan
Ng mga kapwa-manok.
Kaya’t hindi matapos-tapos
Araw-gabi sa bakuran ang mga tilaok!

“Onyok,” sabi ng kalarong si Kokok,
“Mababait ang mga kapwa-manok.
Gusto ka lang nilang matutong sumunod.
Mag-ensayo ka sa pagtilaok,
Tuloy-tuloy, huwag matakot.
Para ano’t naging isa kang manok
Kung hindi ka rin lang titilaok
Nang ubos-lakas, lubos-lubos?”

“Mahal na kaibigang Kokok,
Bakit kasi isinilang pa ako?
Paano akong naging manok
Ay puro naman ungol?
Anong boses itong 
Wala namang maitulong?
Boses ba ang masahol pa
Sa may kalawang na palakol?”

Nakikinig sa tabi ang butihing ina.
Hinimas si Onyok, kinantahan, pinatawa.
Onyok, o Onyok ko, wala nang gaganda,
Sa boses mong dahil musmos ay nanginginig pa.”
Kumurrruk si Onyok at lalong napasinga!
Tumungo at sinubukang tumilaok mag-isa.

“Onyok, tumingin ka sa lahat ng manok.
Walang nakatungo kapag tumitilaok.
May palong at wala, puti man o pula,
Masayang nagigising, nanggigising na masaya,
Nakatingala sa langit, pinapagpag ang gilid,
Nagpupugay sa sarili at sa paligid.”

“Ta-ta-tak-talaooooooooook!”

Si Onyok! Si Onyok!
Ang mahiyaing manok,
Iniunat ang likod,
Ikinuskos ang paa, 
Itinaas ang leeg,
Inilatag ang pakpak,
At saka tumilaok
Nang matinis at sunud-sunod:

Ngayo’y hindi mapigilan
Ang batang si Onyok.
Minsan ang sabi sa ina at kay Kokok,
“Paglaki ko, ako naman ang magtuturo
Sa mga mahiyaing batang manok
Kung paano ang pagtilaok.”

“Una: Iunat ang likod…”

Mga aral:

  • Huwag maliitin ang iba dahil sila ay may tinatagong mga kakayahan.
  • Lahat ng nilalang ay may kanya-kanyang kahinaan at kalakasan.
  • Respetuhin ang pagkakaiba-iba ng ugali at personalidad. Huwag maghusga batay sa panlabas na kaanyuan.
  • Sa oras ng pangangailangan, ang hiya ay hindi dapat maging sagabal sa pagpapatunay ng kakayahan.
  • Sa tamang panahon, lahat ay magkakaroon ng pagkakataon na maipakita ang kanilang mga kakayahan. Ang tunay na kakayahan ng isang tao ay nakikita lamang kapag siya ay nabigyan ng pagkakataon.
  • Huwag maging mapanghusga. Ang bawat isa ay may sariling paraan ng pagpapakita ng kakayahan at patunayan ang kanilang mga sarili.
  • Lahat ay may halaga at may mahalagang papel sa lipunan. Mahalaga na maging magalang sa lahat ng oras at sa lahat ng tao na nakakasalamuha.

Leave a Comment