Ano ang akademikong pagsulat at ano ang mga saklaw nito?
AKADEMIKONG PAGSULAT – Ito ang pagsusulat na ang layon ay linangin at dagdagan ang kaalaman ng mga mag-aaral.
Ayon kay Sauco, et al (1998), ito ay pagsasalin sa papel o anumang kasangkapang maaaring magamit na mapagsasalinan ng mga nabuong salita, simbolo, o ilustrasyon ng isang tao o mga tao sa layuning maipahayag ang nasa kaisipan. Isa sa mga uri nito ay ang akademikong pagsulat.

Ito ay tinatawag din na intelektwal na pagsulat dahil sa layunin nito na linangin at mas pag-ibayuhin ang mga kaalaman ng isang mag-aaral. Akademikong sanaysay, pamanahong papel, konseptong papel, tesis, disertasyon, abstrak, book report, pagsasaling-wika, aklat, rebyu, eksplikasyon, artikulo, at bibliograpiya ay ilan sa mga saklaw at halimbawa nito.
Ang uri ng pagsulat na ito ay nangangailangan ng mataas na antas na kasanayan. Ito ay naglalayon din na mailahad ang mga sulatin at mga tema nito sa maayos na paraan tungo sa mga makakabasa at makakakita.
Tatlong Kalikasan Ng Akademikong Pagsulat
- Katotohanan – Mahusay ang isang akademikong papel kapag ang manunulat ay ginawa ito sa isang metodo at mga kaalaman na ayon sa disiplinang makatotohanan.
- Ebidensya – Kailangan na may suporta ang mga impormasyon na iyong inilalahad – mga mapagkakatiwalaang ebidensya.
- Balanse – Kailangan na ang nalapat ay walang kinikilingan, seryoso, may argumento, at hindi emosyonal upang maging makatwiran ang mga pahayag.
Mga Katangian
- Kompleks ang mga salita na ginagamit sa mga pahayag, may bokabularyo, at may kompleksidad na gramatika.
- Pormal ang tono at salita. Hindi angkop at hindi nararapat na gumamit ng mga salitang kolokyal at balbal.
- Tumpak ang mga impormasyon at datos na iyong inilalahad – walang labis, walang kulang.
- Obhetibo ang mga impormasyon at mga argumento.
- Eksplisit ang mga ugnayan na napapaloob sa teksto.
- Wasto ang mga bokabularyo at mga salita. Ang manunulat ay dapat na maingat sa paggamit ng mga salita at para hindi malito ang mga mambabasa.
- Responsable ang manunulat lalo na sa paglalahad at pagpapatunay ng kanyang mga argumento.
- Malinaw ang layunin at natutugunan ang mga tanong tungkol sa paksa na inilahad.
- Malinaw ang pananaw ng manunulat tungkol sa paksa at hindi lamang hanguan ng sources.
- May pokus kung kaya’t ang bawat pangungusap at talata at dapat na na-uugnay. Iwasan ang mga paksa na hindi kailangan, hindi nauugnay, at hindi mahalaga.