Alamin kung ano ang pang-ukol at mga halimbawa nito.
ANO ANG PANG-UKOL? Nalalaman kung ano ang ibig sabihin, wastong paggamit, at halimbawa ng pang-ukol sa pangungusap.
Ang pang-ukol ay isang bahagi ng pananalita sa wikang Filipino. Ito ay ginagamit upang mag-ugnay ng pangngalan, pandiwa, panghalip, o pang-abay sa iba pang salita o iba pang bahagi ng isang pangungusap. Sa English, ito ay preposition. Ito ay may dalawang pangkat: ginagamit sa pag-ugnay ng dalawang pangngalang pambalana at ginagamit sa ngalan ng tanging tao.
Mga halimbawa:
- sa/sa mga
- kay
- kina
- nang may
- hinggil sa
- hinggil kay
- laban sa
- laban kay
- mula sa
- ng
- ng mga
- sa/ kay
- tungkol sa
- tungkol kay
- nang wala
- ayon sa
- ayon kay
- ni/nina
- labag sa
- alinsunod sa
- alinsunod kay
- para sa
- para kay
- tungo sa
Pangkat ng pang-ukol:
- Ginagamit na pangngalang pambalana gamit ang mga katagang ukol sa, laban sa, hinggil sa, laban sa, ayon sa, tungkol sa, at para sa.
Halimbawa sa pangungusap:
- Nagkaroon kami ng pagpupulong ukol sa isang malaking proyekto.
- Ang mga residente ay nagprotesta laban sa planong pagtatayo ng malaking mall sa kanilang tahimik na lugar.
- Ang mga mamamayan ay nagdaos ng rally laban sa mga korap sa gobyerno.
- Ayon sa ulat ng DOH, tumaas ang bilang ng mga kaso ng monkeypox sa bansa.
- Ang libro ay tungkol sa buhay at mga karanasan ni Harry Potter.
- Ginagamit sa ngalan ng tanging tao kung saan ang gawa, ari, layon, at kilos ay para lamang sa ngalan ng tao gamit ang mga katagang tungkol kay, para kay, at ayon kay.
Halimbawa sa pangungusap:
- Ang aming aralin ay tungkol kay Jose Rizal at ang kanyang mga gawa.
- Ang lahat ng paghihirap kong ito ay para kay Rosalie na aking asawa at sa aming mga anak.
- Ayon kay Mrs. Castro, walang klase mamayang hapon.
- Ayon kay Dr. Jose Rizal ang hindi marunong lumingon sa pinangagalingan ay hindi makakarating sa paruruunan.
- Ang balita raw tungkol kay Mang Tomas ay totoo.