Alamin ang iba’t ibang bahagi ng pananalita.
Alamin at pag-aralan ang iba’t ibang bahagi ng pananalita sa pamamagitan ng mga pagpapakahulugan at mga halimbawa.
Sa Filipino, mayroong sampung bahagi ng pananalita o kauriang panleksiko – pangngalan, panghalip, pandiwa, pangatnig, pang-ukol, pang-angkop, pang-uri, pang-abay, pantukoy, at pandamdam.
Mga bahagi ng pananalita
- Pangngalan o Noun – Ito ang tumutukoy sa ngalan ng tao, hayop, pook, o pangyayari.
Halimbawa:
- Christmas
- Toni
- Aso
- Canada
- Mario
Si Toni ay isang magandang dalaga.
Nakita ko ang aso sa ilog.
- Panghalip o Pronoun – Ito ay tumutukoy sa mga salita bilang panghalili o pamalit sa mga pangngalan.
Halimbawa:
- Ako
- Ikaw
- Sila
- Atin
- Tayo
Tayo ang gagawa ng lahat na gawain.
Hindi ikaw ang may kasalanan.
- Pandiwa o Verb – Tumutukoy sa mga salita na nagsasaad o nagpapahayag ng kilos.
Halimbawa:
- sumayaw
- kumanta
- naglakad
- nagsalita
- tumawa
Ang babae ay magaling sumayaw.
Kumakain pa ang bata sa sala.
- Pang-uri o Adjective – Mga salita na naglalarawan ng pangngalan.
Halimbawa:
- Maganda
- Pangit
- Mapait
- Matalino
- Magulo
Maganda ang damit. Bagay sa iyo.
Bakit mapait ang niluto mong sopas?
- Pang-abay o Adverb – Tumutukoy sa mga salita na naglalarawan sa pandiwa o kilos.
Halimbawa:
- taimtim
- agad
- tila
- higit
- kaysa
Agad na lumabas ang bata sa bahay matapos marinig ang tinig ng ama sa labas.
Taimtim akong nagdadasal para sa inyong kaligtasan.
- Pantukoy o Pointer – Tinutukoy ang relasyon ng paksa at panag-uri sa pangungusap.
Halimbawa:
- si
- ang
- ang mga
- mga
Si Ben at ang mga kaibigan niya ay namatay sa aksidente.
Ang mga bata ay naglalaro sa labas.
- Pangatnig o Conjunction – Tumutukoy sa mga salita na nagpapakita ng relasyon ng mga salita sa isang pangungusap.
Halimbawa:
- dahil
- maging
- man
- gawa ng
- upang
- nang
- para
Nilakasan niya ang boses upang marinig ng mga tao sa likuran.
Dahil sa puyat, hindi siya nakapasok ng eskwelahan kinabukasan.
- Pang-ukol o Preposition – Tumutukoy sa mga salita na nagsasaad kung para kanino o para saan ang kilos.
Halimbawa:
- para
- ukol
- ayon
Ayon sa ama, kahapon pa nawawala ang bata.
Para sa kaalaman ng lahat ng estudyante, walang pasok bukas.
- Pang-angkop o Connector – Mga salita na ginagamit upang mapag-ugnay ang mga salita.
Halimbawa:
- g
- ng
- na
Malayang nakakalipad ang Ibon.
Ang matalim na kutsilyo ay nawawala.
- Pandamdam o Interjection – Mga salitang tumutukoy sa matinding damdamin.
Halimbawa:
- Oy!
- Naku!
- Tse!
- Aha!
- Diyos ko!
Tse! Ayokong sumama sa iyo!
Aha! Alam ko na ang dapat na gawin!