Elemento ng Pagkabansa – Ano Ang Mga Ito?

Ano ang iba’t-ibang elemento ng pagkabansa? Alamin!

ELEMENTO NG PAGKABANSA – Ang Pilipinas ay isang bansa at ito ay may taglay na elemento na ating iisa-isahin sa ibaba!

Ano ang bansa? Ito ay isang lugar o teritoryo kung saan naninnirahan ang isang pangkat ng tao na may magkatulad na kulturang pinanggalingan. Ito ang dahilan kung bakit iisa ang wika, pamana, relihiyon, at iba pa. Ang Pilipinas ay isang bansa dahil taglay nito ang apat na elemento ng pagkabansa – teritoryo, mamamayan, pamahalaan, at soberanya o kalayaan.

Elemento ng Pagkabansa

Ang apat na elemento:

  1. TAO
    Ito ang mga mamamayan o grupo ng tao na naninirahan sa bansa. Sila ang bumubuo ng populasyon ng bansa at sila ang itinuturing na pangunahing yaman ng isang bansa. Sa Pilipinas, ang tawag sa mamamayan nito ay Pilipino. Ang mga tao ang nangangalaga ng bansa, nagpapaunlad nito, at nagtatanggol sa kalayaan.
  2. TERITORYO 
    Ito ay tumutukoy sa lawak ng lupain, katubigan, at himpapawid ng bansa. Ang teritoryo ay kung saan nakatira ang mga mamamayan at para sa kaayusan, sila ay pinamumunuan ng pamahalaan. Ang mga sakop na ito ang maaring magamit ng tao upang sila ay mabuhay at matugunan ang kanilang pangangailangan.
  3. PAMAHALAAN
    Ito ay isang samahan o organisasyong politikal na itinataguyod ng isang grupo ng tao. Ito ang naglalayon ng magandang pagtatag ng kaayusan at para mapanatili ang kaayusan ng lipunan. Sa samahang politikal na ito, ang pangulo ang pinakamataas na pinuno.
  4. SOBERANYA o KALAYAAN 
    Ito ang ganap na kalayaan ng isang bansa kung saan ang pamahalaan ay may ganap na kalayaan para mamahala ng kanyang nasasakupan. Ito ang kalayaan na magpatupad ng mga programa para sa bansa at hindi pinakikialaman ng ibang bansa. Ang dalawang uri ng soberanya ay panloob at panlabas. Ang panloob na soberanya ay ang pag-alaga ng sariling kalayaan at ang panlabas na soberanya ay ang pagkilala ng ibang bansa sa kalayaan ng isang bansa.

Leave a Comment