Elemento Ng Tula – Ano-ano Ang Mga Ito?

Alamin ang mga elemento ng tula at ang kanilang mga kahalagahan.

ELEMENTO NG TULA – Ito ang mga elemento na makikita sa anyo ng panitikan na ito binubuo ng mga saknong at mga taludtud.

Ano ang tula? Ang tula ay isa sa mga pinakamatandang sining na naglalaman ng mga matatalinhagang salita. Ito ay naglalarawan ng buhay hango sa mga guni-guni at damdamin. Ang makata o manunulat ay inihahayag ang kanyang mga damdamin at sa pamamagitan ng pili at makahulugang salita.

Elemento Ng Tula

Hindi lamang basta-basta isinasalaysay ang damdamin at kaisipan sapagkat isinasaalang-alang ang paraan na masining at malikhain. Upang maisaayos ang paggawa nito, dapat alamin ang mga elemento na bumubuo dito. Isa sa mga mahalagang katangian ng isang tula ay ang pagkakaroon nito ng saknong at taludtod.

Ang saknong ay grupo ng mga taludtod habang ang taludtod naman ay isang linya sa tula na kadalasan ay may tiyak na bilang ng pantig – karaniwang wawalo, labindalawa, o labing-anim ang pantig sa bawat linya.

Mga Elemento

  1. Anyo – Ito ay tumutukoy sa kung paano isinulat ang isang panulaan. Ang mga anyong ito ay maaring malayang taludturan o walang tiyak na sukat at tugma; tradisyunal o may sukat, tugma, at gumagamit ng matalinhagang salita; may sukat na walang tugma o tiyak ang bilang ng pantig ngunit walang tugma; at walang sukat na may tugma o walang tiyak na bilang ng pantig ngunit magkakasintunog ang mga dulo.
  2. Kariktan – Ito ang elemento na nagbibigay linaw at hindi malilimutang impresyon na gumagamit ng mga salita na umaakit sa damdamin ng mambabasa.
  3. Persona – Tumutukoy sa nagsasalita sa tula na maaaring ang sumulat nito mismo o ibang karakter.
  4. Saknong – Ang grupo ng mga taludtod.
  5. Sukat – Ito ang bilang ng pantig sa bawat taludtod. Karaniwan, ito ay waluhan, labing-dalawahan, o labing-animan.
  6. Talinghaga – Ito ang mga tayutay na ginamit sa panulaan o matatalinghagang pahayag para sa mas malalim na damdamin at kahulugan.
  7. Tono o Indayog – Ang paraan ng pagbigkas na nagbibigay ritmo sa tula.
  8. Tugma – Ang mga huling pantig ng taludtod ay magkasintunog na nagdaragdag sa kagandahan at ritmo nito.

Halimbawa ng isang tula:

BAYAN KO
– José Corazón de Jesús 

Ang bayan kong Pilipinas
Lupain ng ginto’t bulaklak
Pag-ibig na sa kanyang palad
Nag-alay ng ganda’t dilag.

At sa kanyang yumi at ganda
Dayuhan ay nahalina
Bayan ko, binihag ka
Nasadlak sa dusa.

Ibon mang may layang lumipad
kulungin mo at umiiyak
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas!

Pilipinas kong minumutya
Pugad ng luha ko’t dalita
Aking adhika,
Makita kang sakdal laya.

Leave a Comment