Ito ang ilang mga halimbawa ng kasabihan at kahulugan ng mga ito.
KASABIHAN HALIMBAWA AT KAHULUGAN – Ang mga ito ay bahagi na ng kulturang Pilipino at ito ang ilan sa mga halimbawa na may kahulugan.
Ang kasabihan ay mga pariralang nagpapahayag ng ideya at may magagandang aral. Pinaniniwalaan ng marami na ito ay tunay at nagbibigay payo tungkol sa buhay at karanasan ng tao. Ang ibang mga kasabihan ay maaring galing sa mga sikat na tao at ang iba ay mula pa sa ating mga ninuno na ipinapasa-pasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod na henerasyon.
Mga halimbawa at kahulugan
“Pag may usok, may apoy.”
Kung may mga indikasyon o palatandaan, maaring totoo ito. Huwag balewalain ang mga palatandaan para maiwasan ang paglala ng mga problema.
“Ang taong walang kibo, nasa loob ang kulo.”
Ito ay nagpapahiwatig na kung sino pa yung mga tahimik at hindi masyadong kumikibo ay sila pa ang may mga tinatagong galit o masamang damdamin.
“Bato-bato sa langit, ang tamaan huwag magalit.”
Kapag ikaw ay nagbibitaw ng mga salita at opinyon tungkol sa iba, huwag kang magagalit kapag ikaw naman ang nakakatanggap ng mga ito.
“Huli man daw at magaling, maihahabol din.”
Kahit ikaw ay huli sa simula pero masipag at magaling ay may nakalaang oras para sa iyo na makahabol at maging matagumpay rin.
“Ang buhay ay parang gulong, minsan nasa ibabaw, minsan nasa ilalim.”
Ipinipahiwatig nito na ang buhay ay paiba-iba. Hindi palaging masaya, hindi palaging malungkot, hindi palaging mahirap, at hindi palaging magaan lang ang buhay.
“Ako ang nagbayo, iba ang nagsaing.”
Ikaw ang nagtrabaho at naghirap pero iba ang nakinabang.
Iba pang mga kasabihan na may mahalagang kahulugan:
- Ang batang matapat, pinagkakatiwalaan ng lahat.
- Ang kalinisan ay tanda ng kasipagan.
- Walang matimtimang birhen, sa matiyagang manalangin.
- Ang kayamanang galing sa kasamaan, dulot ay kapahamakan.
- Ang taong walang tiyaga, ay walang yamang mapapala.
- Mabisa ang pakiusap na malumanay, kaysa utos na pabulyaw.
- Ang magtahi-tahi ng hindi tutoong kuwento, mabubuko rin sa bandang dulo.
- Ang masipag sa buhay, umaani ng tagumpay.
- Walang lihim na hindi nabubunyag, walang totoo na hindi nahahayag
- Ang anak na magalang ay kayamanan ng magulang
- Huwag mong hatulan ang isang aklat, sa pamamagitan ng kanyang pabalat.
- Walang tunay na kalayaan, kung nabubuhay sa kahirapan.
- Ang talagang matapang, nag-iisip muna bago lumaban.
- Titingkad ang iyong kagandahan, kung maganda rin ang iyong kalooban.