Ito ang panitikan sa panahon ng Espanyol – ang impluwensya sa panitikang Pilipino.
PANITIKAN SA PANAHON NG ESPANYOL – Marami ang mga akdang lumaganap sa panahong ito at mga impluwensya na naging parte na ng kasaysayan.
Bumagsak ang Pilipinas ng tuluyan sa pananakop ng Espanyol noong taong 1565. Ang panitikan ng Pilipinas ay isa sa mga naimpluwensyahan ng Kastila, lalong lalo na sa relihiyon. Sa mahigit tatlong daang na pananakop sa bansa, hindi maikakaila ang mga impluwensya tulad ng karaniwang pasulat, pagtalakay sa mga paksang panrelihiyon, kulturang Kanluranin, at ang pagsulat sa wikang Espanyol.
Sa panahong ito ay napakilala rin ang panibagong sistema ng alpabeto na binubuo ng limang patinig at labin-limang katinig. Ang mga patinig ay a, e, i, o, at u at ang mga katinig ay b, k, d, g, h, l, m, n, ng, p, r, s, t, w, at y.
Ang mga uri ng panitikan sa panahong ito ay ang mga sumusunod:
- Awit – Isang tulang romantiko na may labindalawang pantig bawat taludtod. Ang paksa ay ayon sa totoong buhay at ang mga tauhan ay walang mga kapangyarihan.
- Korido – Isang tulang pasalaysay na maaring tungkol sa kababalaghan o pananampalataya at isang halimbawa nito ay ang Ibong Adarna.
- Duplo – Ang pagtatalo na ginagamitan sa patula na paraan at ginagamitan ng mga salawikain, kawikaan, at kasabihan. Villacos ang tawag sa mga lalaking pangunahing tauhan at Villacas naman sa mga babae na pangunahing tauhan.
- Senakulo – Isang dula na ginagawa sa Mahal na Araw.
- Pasyon – Isang naratibong tula tungkol sa buhay ni Hesus.
- Moro-moro – Isang uri ng komedya. Ito ay nag-ugat sa pakikipaglaban ng Espanyol sa mga Muslim.
Mga unang aklat sa panahong ito:
- Doctrina Cristiana – Unang aklat na nailimbag sa Pilipinas sa taong 1593 sa pamamagitan ng silograpiko. Ito ang aklat nina Padre Juan de Placencia at Padre Domingo Nieva na isinulat sa Tagalog at Kastila.
- Nuestra Senora del Rosario – Ito ang akda ni Padre Blancas de San Jose na naimprenta sa tulong ni Juan De Vera. Naglalaman ito ng mga talambuhay ng mga santo, nobena at mga sagot sa mga katanungan panrelihiyon.
- Barlaan at Josaphat – Ang aklat na nailimbag ni Padre Antonio de Borja. Ipinapalagay na ito ang unang nobela na nailimbag sa Pilipinas.
- Pasyon – Ito ay may apat na bersiyon: Version de Pilapil (Padre Mariano Pilapil); Version de Belen (Gaspar Aquino de Belen); Version dela Merced (Aniceto dela Merced); at Version de Guia (Luis de Guia).
- Urbana at Felisa – Isang aklat na isinulat ni Modesto de Castro, ang “Ama Ng Klasikong Tuluyan Sa Tagalog”.
Mga akdang pangwika:
- Arte Y Regalas de la Lengua Tagala – sinulat ni Padre Blancas de San Jose at isinalin sa Tagalog ni Tomas Pinpin noong 1610.
- Compendio de la Lengua Tagala – inakda ni Padre Gaspar de San Agustin noong 1703.
- Vocabulario de la Lengua Tagala – kauna-unahang talasalitaan sa Tagalog na sinulat ni Padre Pedro de San Buenaventura noong 1613.
- Vocabulario de la Lengua Pampango – unang aklat na pangwika sa Kapampangan na sinulat ni Padre Diego Bergano noong 1732.
- Vocabulario de la Lengua Bisaya – pinakamahusay na aklat pangwika sa Bisaya na sinulat ni Mateo Sanchez noong 1711.
- Arte de la Lengua Bicolana – unang aklat pangwika sa Bikol na sinulat ni Padre Marcos Lisboa noong 1754.
- Arte de la lloka – kauna-unahang balarilang Iloko na sinulat ni Francisco Lopez.