Basahin at isapuso ang mga sanaysay tungkol sa wika at alamin ang kahalagahan nito sa tao at kultura.
SANAYSAY TUNGKOL SA WIKA – Basahin ang isang sanaysay na nagpapakita na ang isang wika ay salamin ng ating pagkatao, kasaysayan, at kultura.
Ang kahulugan ng wika ay ang isang sistemang komunikasyon na madalas ginagamit ng tao sa isang partikular na lugar. Ito ay higit pa bilang isang paraan sa pakikipag-komunikasyon at pakikipag-ugnayan. Ito ay tumatayong simbolo ng ating kalayaan, pagkabansa, at pagmamahal sa sariling atin.

Mayroong iba’t ibang katangian ng wika at ilan sa mga ito ay:
- May masistemang balangkas na sistematiko at tiyak.
- May sinasalitang tunog para ito ay maging makabuluhan.
- Ito ay pinipili at isinasaayos lalo na sa pakikipagtalastasan.
- Ang wika ay arbitraryong simbolo ng mga tunog.
- Ito ay ginagamit bilang kasangkapan sa komunikasyon at kailangan na patuloy itong gamitin.
- Ang wika ay kaugnay ng kultura at nakabatay dito.
- Ito ay dinamiko.
Sa Pilipinas, marami ang diyalekto na ginagamit ng iba’t ibang mga pangkat subalit ang wikang Filipino ang nagsisilbing tulay na nag-uugnay sa iba’t ibang rehiyon at katutubong wika. Sa kabila ng pagkakaiba-iba, ito ang nagbibigay sa atin ng iisang tinig upang magkaunawaan at magkaisa.
Basahin ang halimbawa ng ilang mga sanaysay tungkol sa wika:
Kahalagahan ng Wikang Filipino
Akda ni J galing sa sanaysay-filipino.blogspot.com
Malinaw na ang wika ay isang mahalagang kasangkapan na ginagamit upang maiparating ang mga nasasaloob na ideya at damdamin ng isang tao. Hindi lamang ito isang paraan ng pakikipag-usap niya sa kapwa kundi ginagamit din niya upang makipagkaibigan, makipagtalakayan at maibahagi ang kanyang iba’t ibang opinyon at kaisipan. Sa buong kasaysayan, maraming mga bagay, sitwasyon at pangyayari na tumutukoy sa kahalagahan ng wika sa mga tao, sa kanyang kapaligiran at higit lalo na sa kanyang bansa.
Ang wika ay hindi lamang kumakatawan sa isang tao. Ito ay hindi lamang isang sasakyan para sa pagpapahayag ng mga sariling saloobin, opinyon, mga personal na obserbasyon at halaga ng kanyang mga katangian bagkus ay isang sisidlan na siyang nagpapahayag ng mga aspeto ng isang komunidad o bansa. Ang wika ay kumakatawan din sa pangunahing pagpaparating sa iba ng panlipunang pagkakakilanlan. Sa maikling salita, ang wika ay tumutulong na mapanatili ang mga damdamin ng kultura, sining at pagkabansa ng isang bayan.
Ang wikang Filipino, na siyang pambansang wika sa Pilipinas ay ang wikang ginagamit sa lahat ng sulok ng bansa. Ito ang nagsisilbing sinturon upang maitali ang mga mamamayan upang maging isa sila sa kanilang mga diwa, pangarap at kalsadang tinutugpa. Mahirap na isipin kung walang sariling wika na magiging daan upang magkabuklod-buklod ang mga hiwa-hiwalay na isla ng Pilipinas. Maaaring magdulot ito ng mga kaguluhan at hindi pagkakaunawaan.
Kahit na sa anumang anyo, sa pamamagitan man ng pagsusulat o pagsasalita, ang wika ang pinakamabisang paraan upang maihatid ang mga kaisipan at mapanatili sa madaling hakbang ang kasaysayan at mga tala ng mga sinaunang Pilipino. Sa ganitong pagkakataon, malalaman ng mga kasalukuyang mamamayan ang mga hakbangin na ginawa noong una upang maituloy ito sa mabuting paraan at maiwasan ang mga hindi magagandang pangyayari noon. Ito ang ilaw na magiging tanglaw ng mga Filipino upang mapabuti pa ang mga gawain. Ito rin ang magsisilbing lakas upang maisakatuparan ang mga naudlot na pangarap noong simula pa.
Sa paglipas ng panahon, mapatutunayan na ang wika ang siyang pinakamahalagang sandata upang maiparating ng isang bansa sa kanyang mga mamamayan ang mga pangyayari, kasaysayan at bahagi ng ekonomiya nito. Gayundin naman na ang wika ang siyang sentro ng mga mamamayan upang maihugos sa kanilang pamahalaan ang kanilang mga hinaing.
Naipadarama ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang sariling wika ang kasidhian ng kanyang damdamin, ang lalim ng kanyang pagkatao, ang katangian ng kanyang ginagalawang kapaligiran, ang lawak ng kanyang kultura at sining, ang kabihasaan niya sa anumang larangan at ang katotohanan ng kanyang pag-iral. Sa kabuuan, ang wika ang nagsisilbing kaparaanan upang maging isang ganap na tao ang isang tao at maging isang ganap na bansa ang isang bansa.
Sanaysay Tungkol Sa Wikang Mapagbago
Galing sa liryko.blogspot.com
Ang Wikang Filipino ay isa sa mga kayamanang ating natanggap mula pa sa ating mga ninuno. Ito ang nagsisilbing instrumento para sa pambansang pagkaka unawaan at tulay sa magandang ugnayan. Bilang isang mamamayan ng bansang Pilipinas at matatag na Pilipino ang ating sariling wika ay regalong dapat pakaingatan para na rin sa mga susunod pang mga henerasyon. Ugaliin itong gamitin at ipagmalaki saan man tayo makarating. Laging pakatandaan na ang wika ang sumisimbolo sa ating pagka Pilipino.Ano ba ang napapansin mo sa ating sariling wika? marami na bang mga nagbago? ano ba ng naidudulot sayo ng ating wikang Filipino? Ang pagbabago ay kailanman hindi natin maiiwasan bagkus gamitin itong tama na magdudulot ng positibong resulta.
Mapapansin natin sa ating kapaligaran na bawat araw ay napakaraming mga pagbabagong nagaganap maging sa ating mga sarili merong mga pagbabagong nangyayari. Ang pagbabago ay hindi masamang bagay marahil minsan ito ay nagdudulot ng masamang resulta pero kadalasan naman ay maganda ang kinalalabasan.Kagaya ng ating sariling wika and wikang Filipino ito ay sinasabing wikang mapagbago na kung saan maraming mga magagandang naidudulot sa bawat isa sa atin kagaya na lamang ng mas nauunawaan natin ang ating mga kausap at mas naipapahayag nating mabuti ang ating mga nararamdaman at gustong sabihin sa ating kapwa. Iilan lamang yan sa mga mabuting epekto ng palaging pagamit ng ating wika.
Laging ugaliing gamitin ang ating wika sa magagandang bagay at huwag itong abusin. Dahilan na rin ng mabilis na paglipas ng panahon marami ng mga pagbabagong naganap sa wikang Filipino kagaya ng mga nadagdag na mga salita at mga salitang hango sa wikang Ingles. Ang wika ay isa sa napakahalang aspeto upang maging maunlad ang isang bansa at ito ang siyang sumisimbolo sa ating pagkakakilanlan. Gamitin ito ng wasto at tama at mahalin para na rin sa bawat isa sa ating mga Pilipino.
Isang Pasasalamat sa Wikang Filipino
Akda ni Rose Vida Ann B. Arocha galing sa markjan-markjan.blogspot.com
Ang wika ang maituturing na pinakamabisang kasangkapan sa ating pakikipag-komunikasyon sa ating kapwa. Ang wika, pasalita man o pasulat ay magiging sandata natin sa ating pakikihamok sa mga hamon ng buhay. Ang wika ay binubuo ng mga titik at simbulo na kapag pinagsama-sama ay maipapahayag natin ang mga nararamdaman natin sa ating pamilya, kaibigan, o kung sino pa man na kakilala natin.
Ang Pilipinas, bagamat isang archipelago, na binubuo ng 7,107 na mga pulo na mayroong iba’t-ibang diyalekto ay nagkakaroon ng pagkakaunawaan sa pamamagitan ng paggamit ng iisang wika, ang wikang Filipino! Kaya naman kahit may iba’t-ibang kultura, relihiyon at paniniwala sa bawat panig ng Pilipinas, nagkakaisa parin ang bawat mamamayan ng ating bansa sa paggamit ng wikang Filipino.Sa ating nagbabagong estilo ng mundo ngayon, kung saan masasabi na ang mga bagay ay nagiging “high-technology” na, dapat pa rin nating isaisip ang pagpapahalaga sa ating sariling wika. Oo nga at tama sa ang Ingles ang “Universal Language” at siyang dahilan upang mas masaliksik pa natin at mas maipahayag ang nararamdaman natin sa mga hindi natin kalahi o mga dayuhan. Ngunit hindi ito sapat na dahilan upang ipagwalang bahala na lamang natin ang wikang Filipino. Hindi ba’t bago tayo matuto ng wikang Ingles ay wikang Filipino muna ang una nating natutunan? Na bago pa man tayo makihalubilo sa ibang tao sa loob at labas ng ating bansa ay wikang Filipino ang una nating pinagpakadalubhasaan upang magamit natin sa ating pakikipagkapwa? Kaya huwag naman sana na sa pagbago ng pagdaloy ng panahon ay mabago narin ang ating pananaw sa pagpapahalaga sa paggamit ng wikang Filipino.
Ngunit nakakalungkot man na isipin, marami sa atin lalo na sa mga kabataang kagaya ko ang siya pang lumalapastangan sa ating wika. Kaya naman humihingi ako ng kapatawaran sa ating pambansang bayani na minsang nagwika na, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.” Kasabay ng pag-unlad ng mundo ang pag-usbong ng ng mga hindi pormal na salita, katulad ng wika na sa lansangan o kalye ma lamang maririnig. Isama mo pa riyan ang mga nauuso naring salita ngayon na ginagamit ang mga salita ng mga nasa ika’tlong kasarian o mga bading, ang “Gay Lingo”. Halimbawa ng mga salita na ito ang “gora mama!” na ang ibig sabihin ay “tara na!” at “echos” na ang ibig sabihin ay “biro lamang!”. Hindi ba’t bukod sa hindi magandang pakinggan ang mga salitang ito ay nagpapakilala din ito kung ng anong klaseng mga tao na ang mayroon sa Pilipinas.
Mga mamamayan na imbes na igalang ang sariling wika ay siya pa ang lumalapastangan dito. Ano nga ba ang siyang masasabi nating dahilan kung bakit ang mga Pilipino ay ipinagbabawalang bahala ang maayos na paggamit ng wikang Filipino? Base sa aking obserbasyon, ang masasabi kong isa sa mga dahilan kung bakit hindi nabibigyan ng karampatang pagpapahalaga ang ating wika ay dahil sa pagkakauso ng “Short Message Service” o mas kilala sa tawag na “text”. Isipin ninyo ito, bilang kabataan na mahilig mag-text, mas kaaya-aya para sa akin kung wikang Ingles na paikliin ang aking gagamitin dahil unang-una sa lahat mas matipid ito sa espasyo at mas mabilis gawin. Sa pagtetext din mas laging naaabuso ang wikang Filipino kung saan ang mga kabataan ay laging mga balbal na salita ang ginagamit sa pakikipagkomunikasyon. Ang isa pa sa nakikita kong dahilan ay ang paniniwala ng mga kabataan ngayon na mas “in” ang paggamit ng wikang Ingles. Na mas angat ka sa lipunan kung lagging wikang Ingles ang Iyong gagamitin, kahit “english carabao” iyan!
Sana lamang ay tandaan natin ito, taga Pilipinas tayo, tayo ay mga Pilipino! Kung hindi natin gagamitin, pagyayamanin at pahahalagahan ang sarili nating wika, sino pa ang magpapahalaga dito? Wala ba tayong utang na loob sa sarili nating wika na pagkatapos nating gamitin sa loob ng ating mga tahanan ay siya na lamang natin babalewalain dahil sa pagbabago ng panahon? Huwag naman din sana natin hayaang mawalan ng saysay ang pagpupursigi ng dati nating pangulo na si Manuel Quezon nag awing Pambansang wika ang Filipino. Isa lamang itong paalala, “Wika mo. Wikang Filipino. Wika ng Mundo. Mahalaga!”