Ito ang isang halimbawa ng tekstong persweysib. Basahin at pag-aralan.
TEKSTONG PERSWEYSIB HALIMBAWA – Ito ang uri ng teksto na ang layon ay magbigay impormasyon para manghikayat at ito ang isang halimbawa nito.
Ang tekstong persweysib ay isa sa mga uri ng teksto na naglalayong manghikayat ng mga mambabasa o tagapakinig. Ito ay mahalaga ay kadalasang ginagamit sa telebisyon at radyo. Ito ay ginagamitan ng mga salitang magaganda tulad ng kung bakit dapat iboto ang isang kandidato o kungbakit dapat bilhin ang isang produkto.
Bakit ito mahalaga?
- Naghahayag ng opinyon ng may kalayaan para maipabatid ang pananaw at ideya sa publiko ng malinaw.
- Para magpalaganap ng kaalaman na mahalaga sa karamihan na nagbibigay-daan sa edukasyon at kamalayan.
- Nagpapabago ng kaisipan at paniniwala na nagbibigay daan para sa pagyakap ng mga bagong ideya.
- Mag-udyok ng pakikipagtulungan at pagtutulungan para masolusyunan ang isang isyu o problema.
Saan-saan ito makikita?
- Sa mga brochures na panghihikayat
Ito ang nakakakuha ng atensyon ng mga konsyumer o mga mamimili para sa isang negosyo o isang kaganapan. Tungkol ito sa mga produkto na ibinibenta o mga serbisyong inaalok na direkta ang pagkakasabi at hindi na kailangan pang magbasa ng mahahabang artikulo sa website ng mga tao. - Sa mga catalog
Ito ang ginagamit para malaman ang uri ng mga produkto at kung paano nito mapapabuti at mapapagaan ang iyong buhay. May mga kategorya at mga pagpipilian para mas mapadali ang iyong paghahanap. - Paggamit ng slogan o catchphrase
Ito ay masarap pakinggan kaya ito ay ginagamit para mang-akit at manguha ng atensyon. Ang mga catch phrases ay kadalasang nananatili sa isipan at kasama nito ay ang produkto o serbisyon na kaakibat dito.
Basahin ang maliit na bahagi ng deklarasyon ni Leni Robredo para sa pagka-pangulo noong 2021:
Anim na taon ang nakaraan, tinanggap ko ang hamon na tumakbo sa pagka-bise presidente. Ngayon, sasabak tayo sa mas malaking laban. Panata ko ngayon: Ibubuhos ko nang buong-buo ang aking lakas, hindi lang hanggang sa halalan kundi hanggang sa mga natitirang araw ko, para ipaglaban ang Pilipinas ng ating mga pangarap – isang lipunan kung saan, kapag nagbanat ka ng buto, kapag ginawa mo ang lahat ng kaya mo, makaaasa ka sa ginhawa at pag-asenso; kung saan, kapag may nadapa, may sasalo sa iyo, may aakay sa iyo patayo; kung saan ang mga plano para sa edukasyon, transportasyon, pagkain, kalusugan, katarungang panlipunan ay naipapatupad dahil may gobyernong matino at mahusay, gobyernong tapat at may pananagutan, gobyernong tunay na inuuna ang interes ng taumbayan.
May landas tungo sa kinabukasang ito. Pero hindi ito maaabot sa pagwawalang-kibo kapag may nangyayaring hindi tama. Hindi ito puwedeng iasa sa iba habang nanonood ka lang; hindi puwedeng pumikit na lang at umasang pagdilat natin nagbago na ang mundo. Ang kinabukasan, pinipili, pinagsisikapan, ipinaglalaban. Kailangan nating piliing humakbang.
Heto ako ngayon, humahakbang. Ipaglalaban ko kayo hanggang dulo. Itataya ko ang lahat; ibubuhos ko ang lahat na kayang ibuhos. Sama-sama tayong tumaya sa laban na ito. Buong bansa tayong tumungo sa isang kinabukasang mas patas at mas makatao; kung saan ang bawat Pilipino ay may pagkakataong umasenso; kung saan ang lakas ng bawat isa ay nagiging nagkakaisang lakas ng lahat – lakas na dadaig sa anumang krisis, anumang hamon, lakas na magiging simula ng ating kolektibong pagbangon. Buong-buo ang tiwala ko, magtatagumpay tayo. Buong-buo pa rin ang pananalig ko sa Diyos at sambayanang Pilipino.
Maraming salamat. Mabuhay ang Pilipinas.