Magbasa ng tula para sa Buwan Ng Wika.
Ito ang ilan sa mga magagandang tula para sa Buwan Ng Wika na dapat mong basahin, maintindihan, unawain, at kapulutan ng aral.
Ang buwan ng Agosto ay buwan ng wikang pambansa at ang tema para sa taong ito ay: Filipino: Wikang Mapagpalaya”.
Ang wikang Filipino ang ating pagkakakilanlan at isa sa mga paraan para ibuklod ang mga tao para magkaisa at magtulungan para maisulong ang maayos na kinabukasan ng bawat tao. Ang paggamit ng ating sariling wika ay pagyakap at pagtaguyod ng ating kultura, tradisyon, at kaugalian.
Para sa panahong ito, alamin at unawain ang ilan sa mga magagandang tula para sa Buwan Ng Wika.
Basahin ang tatlong tula para sa Buwan Ng Wika:
Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Filipino
ni Avon Adarna
Ang wika ay apoy nagbibigay-init,
Sa sanggol na hulog ng anghel sa langit,
Ang inang kumalong at siglang umawit,
Wikang Filipino ang siyang ginamit.
Ang wika ay tubig – na nagpapaputi,
Ng pusong may sala at bahid ng dumi,
Manalangin lamang at saka magsisi,
At patatawarin ng Poong mabuti!
Ang wika ay hangin – siyang bumubuhay,
Sa patid na hinga ng kulturang patay
Ito’y nagbibigay ng siglang mahusay,
Sa mga tradisyon at pagtatagumpay.
Ang wika ay bato – na siyang tuntungan,
Nitong mga paa ng mahal na bayan,
Wika ay sandigan nitong kasarinlan,
Sa bundok o burol, maging kapatagan.
May alab ng apoy at lakas ng bato,
At kinang ng tubig na wari ay ginto,
Wikang Filipino’y matatag na hukbo
Na lakas ng iyong pagka-Filipino!
Sa Aking Mga Kabata
ni Jose Rizal
Kapagka ang baya’y sadyang umiibig
Sa langit salitang kaloob ng langit
Sanlang kalayaan nasa ring masapi
Katulad ng ibong nasa himpapawid
Pagka’t ang salita’y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo’t mga kaharian
At ang isang tao’y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaan.
Ang hindi magmahal sa kanyang salita
Mahigit sa hayop at malansang isda
Kaya ang marapat pagyamanin kusa
Na tulad sa inang tunay na nagpala
Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin,
Sa Ingles, Kastila, at salitang anghel,
Sapagkat ang Poong maalam tumingin
Ang siyang naggagawad, nagbibigay sa atin.
Ang salita nati’y tulad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawala’y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una.
Ako’y Wika
ni Kiko Manalo
Wikang Filipino ang aking pangalan,
Ipinanganak ko itong kalayaan,
Ako ang ina at siyang dahilan,
Ng pagkakaisa at ng kasarinlan!
Sapagkat ako nga ang siyang tumanglaw
Sa bansang tahanang iyong tinatanaw,
Katulad ng inang sa iyo ay ilaw,
Nagbibigay-sigla’t buting sumasaklaw!
Ako rin ang ama at naging haligi,
Ng mga sundalo at mga bayani,
Sa digmaan noon sa araw at gabi,
Ako ang sandatang nagtaas ng puri!
Pagkat akong wika ang lakas mo’t tuwa
Ako’y lakas nitong bisig mo at diwa
Sa pamamagitan ng aking salita,
Ligtas ka sa uring luksong masasama!
Sinalita ako at gamit ng lahat,
Upang mga taksil ay maisiwalat,
Sa Luzon, Visayas, sa lahat ng s’yudad,
Pati sa Mindanao, ako ay nangusap!
At nakamit mo na ang hangad na laya,
Mula sa dayuhang sakim at masama,
Dilim na sumakop sa bayan at bansa,
Dagling lumiwanag, pintig ay huminga!
Wikang Filipino, ginto mo at hiyas,
Panlahat na wika saan man bumagtas,
Ilaw na maalab sa dilim ay lunas
At lakas patungo sa tuwid na landas