Ano ang iyong mga tungkulin bilang isang mamamayang Pilipino? Alamin ang ilan sa mga ito.
TUNGKULIN NG MAMAMAYANG PILIPINO – Kung tayo ay may mga karapatang tinatamasa, mayroon din tayong mga tungkulin na dapat gawin.
Kasabay ng mga karapatan mo bilang isang mamamayan na itinadhana ng Saligang Batas ay ang mga tungkulin na dapat mong gampanan. Ang karapatan ay ang kapangyarihang moral ng isang tao na gawin at angkinin ang mga bagay na kailangan sa kanyang estado sa buhay habang ang tungkulin naman ay ang mga bagay na inaasahang gagawin ng isang tao.

Ang mga tungkuling ito ay tumutukoy sa ating mga tungkulin sa sarili, sa kapwa, sa pamayanan, at sa bansa.
Ayon sa Article V (Duties and Obligations of Citizens) Section 1 ng 1973 Constitution of the Republic of the Philippines, tungkulin natin na:
- maging tapat sa Republika
- parangalan ang watawat ng Pilipinas
- ipagtanggol ang Estado
- mag-ambag sa pag-unlad at kapakanan nito
- itaguyod ang Saligang Batas
- sundin ang mga batas
- makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagtatamo at pangangalaga ng isang makatarungan at maayos na lipunan
Ang iba pang mga tungkulin bilang isang Pilipino na dapat nating gampanan ay:
- pagbabayad ng buwis
- paglutas ng mga suliranin sa komunidad
- pagboboluntaryo sa mga makabuluhan na mga aktibidad
- pagtangkilik sa mga produkto sa komunidad
- pagtulong sa mga nangangailangan na isang tungkuling panlipunan at pansibiko
- paggalang sa karapatan ng iba
- maayos na paggamit ng mga pampublikong ari-arian tulad ng paaralan, parke o liwasan, at marami pang iba
- makatarungang paggamit ng ating mga karapatan, iwasang makapinsala sa kapwa
- pangangalaga sa kalikasan dahil pinagkukunan ito ng pangkabuhayan ng maraming tao
- pagpapaunlad sa sarili para maging kapaki-pakinabang sa bansa
- pagiging matapat at matalino sa pagboto, karapatan natin ang bumoto
- pakikipagtulungan sa pamahalaan
- paggalang sa karapatan ng ibang tao
- pagtanggol sa bansa laban sa mga naninira nito
- paglahok sa mga programa na ang layon ay makatulong sa mga nakararami