Ito ang mga iba’t ibang uri ng teksto at mga pagpapakahulugan ng mga ito.
URI NG TEKSTO – Ang isang teksto ay isang babasahin na nagtataglay ng mga importanteng detalye tungkol sa isang tao o bagay at ito ay may iba’t ibang uri.
Ang pangunahing salita o bagay sa isang babasahin ay tinatawag na teksto. Ito ay nagtataglay ng mga impormasyon na magkakaiba ayon sa uri nito at maaring magbigay ng mensahe o damdamin ng sinuman sa paraang sinulat o nakalimbag. Ito ay maaring tungkol sa puna, paliwanag, karanasan, paglalarawan ng mga bagay, pagbibigay impormasyon, at pag-analisa ng isang manunulat.
Mga uri:
- TEKSTONG IMPORMATIBO
Ito ay nagbibgay ng kongkreto at makatotohanang impormasyon tungkol sa isang tao, bagay, lugar, hayop, o pangyayari. Ito ay objective dahil ang nilalaman nito ay walang halong opinyon, pawang tunay na mga pangyayari lamang. Sinasagot nito ang mga tanong na ano, sino, at paano.
- TEKSTONG DESKRIPTIBO
Ito ang uri ng teksto na naglalarawan ng katangian ng isang tao, bagay, hayop, lugar, o mga pangyayari at mga pagkakatulad at pagkakaiba nila. Dahil sa katangian nito na naglalarawan, ito ay mayaman sa mga pang-uri at pang-abay. Mayroong ibang uri ng sining sa pagsusulat sa ganitong uri ng teksto.
- TEKSTONG NARATIBO
Ito ay nagsasalaysay ng serye o pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari na may layuning magbigay ng impormasyon. Ang kinaiba nito sa Tekstong Impormatibo ay ang mga nilalaman nito. Ang naratibo ay nakatuon kung paano nangyari ang mga tagpo, may panahon, may tagpuan, at may mga tauhan katulad ng mga talambuhay, anekdota, at epiko.
- TEKSTONG PROSIDYURAL
Ito ay nakatuon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari o hakbang tungkol sa paggawa ng isang bagay na sumasagot sa tanong na paano – paano nabubuo ang isang bagay, paano iluto, paano isinasagawa ang isang proseso, o paano naganap ang isang pangyayari.
- TEKSTONG PERSWEYSIB
Ito ang uri na nakatuon sa paghihikayat ng mga mambabasa. Ito ang teksto na kadalasang ginagamit sa mga pahayagan, telebisyon, at radyo. Ang nilalaman nito ay pumupukaw sa interes ng mga tao at maniwala sila sa sinasabi ng teksto.
- TEKSTONG ARGUMENTATIBO
Ito ay naglalahad ng opinyon, paniniwala, o mga kuro-kuro tungkol sa mga mahahalagang isyu. Layunin nito ang manghikayat ngunit ang kaibahan nito sa persweysib ay gumagamit ito ng argumento at pangangatwiran para manghikayat.