Ang walong karapatan ng mamimili ay ang kanilang mga proteksyon at pribilehiyo.
WALONG KARAPATAN NG MAMIMILI – Alamin ang mga ito para masiguro na nasusunod at natutugunan ang iyong mga pangangailangan.
Bilang isang mamimili, tayo ay mga karapatan at responsibilidad para matiyak ang iyong proteksyon at kaligtasan sa pakikipagkalakalan. Ang pagiging isang responsable at matalinong mamimili ay mahalaga para ang ating mga pangangailangan ay matugunan at para ang ating pera na pinaghirapan ay mapunta sa mga mahalagang bagay at hindi maaksaya.
Kaakibat ng pagiging isang mamimili ay mga responsibilidad para mapanatili ang kaayusan sa merkado at maiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan. Ilan sa mga responsibilidad na ito ay pagbayad ng tamang presyo, pagtiyak na ang produkto o serbisyo ay may legal na permiso, pagtago ng mga resibo at dokumento ng transaksyon bilang patunay kung sakali man na may problemang darating, at paggamit ng produkto sa tamang paraan.
At para hindi maloko, mapabayaan, at mapahamak sa pakikipagtransaksyon, ito ang iyong mga karapatan bilang isang mamimili:
- Karapatan sa mga pangunahing pangangailangan
Ito ang Karapatan natin na matugunan ang mga batayang pangangailangan sa buhay tulad ng pagkain, tubig, kalusugan, tirahan, at edukasyon. Napapaloob ito sa ilang batas tulad ng Republic Act No. 7394 (Consumer Act of the Philippines), Republic Act No. 9136 (Electric Power Industry Reform Act of 2001), Republic Act No. 7160 (Local Government Code of 1991), at Philippine National Health Insurance Act of 2013 (Republic Act No. 10606). - Karapatan sa Kaligtasan
Karapatan ng tao na mamili ng mga serbisyo at produkto na hndi nagdudulot ng panganib o pinsala sa buhay at kalusugan. Ito ay isang mahalagang hakbang para maiwasan ang mga aksidente at pagkakasakit. - Karapatan sa Patalastasan
Ito ay kinikilala rin bilang karapatan sa tamang impormasyon na mahalaga para masiguro na ang mga produkto at serbisyo ay malinaw na tama at tapat. Ito ay nakakatulong sa mga mamimili na makagawa ng matalinong desisyon bago bumili at para maiwasan na malinlang. - Karapatang Pumili
Ito ay tumutukoy sa ating kalayaan na magdesisyon kung anong produkto ang ating nais na bilhin. Tinitiyak ng karapatang ito na pantay-pantay ang pagkakataon para sa mga mamimili at hindi sapilitan ang kanilang pagbili. - Karapatang Dinggin
Sinisigurado nito na ang mga reklamo, hinaing, at mga alalahanin ng isang mamimili ay nabibigyan ng sapat na pansin at aksyon mula sa mga negosyo, ahensya ng gobyerno, at mga tagapagbigay ng serbisyo. - Karapatang Bayaran at Tumbasan sa Ano mang Kapinsalaan
Ito ang ating Karapatan para tayo ay may proteksyon laban sa mga pinsala at depekto. Kapag nakakapinsala ang isang produkto, obligasyon ng mga Negosyo na itama ito at bayaran ang anumang nawalang halaga o pinsalang nagawa. - Karapatan sa Pagtuturo Tungkol sa Pagiging Matalinong Mamimili
Dapat lamang na matutunan ng mga mamimili ang maging matalino sa paggawa ng desisyon sa pagbili at pagkonsumo. Ito ay para maiwasan na sila ay maloko o mapagsamantalahan ng mga negosyo. - Karapatan sa Isang Malinis na Kapaligiran
Ito ay pagtiyak ng ligtas, malinis, at malusog na kapaligiran para sa lahat. Ito ang proteksyon na para sa mga mamimili laban sa polusyon, mga delikadong kemikal, at iba pa na maaring makaapekto sa kanilang kalusugan, kaligtasan, at kabuhayan sa paraang hindi kanais-nais.