Bahagi Ng Sanaysay: Tatlong Bahagi Ng Isang Sanaysay

Narito ang tatlong bahagi ng Sanaysay

BAHAGI NG SANAYSAY – Ang artikulang ito ay naglalayong ipaliwanag ang tatlong bahagi sa isang sanaysay na makakatulong na maintindihan ng maigi ang paksang ito.

Natalakay sa isang nakaraang artikulo ang kahulugan ng sanaysay at mga uri nito. Sa pagsusulat ng sanaysay, pormal man o di pormal, dapat laging tandaan ang mahalaging elemento na napapaloob dito.

Ang sanaysay ay may tatlong bahagi at ito ay ang panimula, gitna na tinatawag din na katawan, at ang wakas.

bahagi ng sanaysay

Panimula
Sa isang sanaysay, ito ang pinakamahalagang bahagi. Dapat, sa umpisa o simula pa lang ay mapukaw ng sulatin ang atensyon at interes ng mambabasa. Kapag nangyari ito, mapagpatuloy ang mambabasa na basahin ang sanaysay hanggang sa matapos. Dapat ding mapukaw ang damdamin ng mambabasa sa simula pa lamang ng akda.

Gitna o Katawan
Sa bahaging ito ng sanaysay, dapat na makita ng mambabasa ang pagtalakay ng mga mahahalagang punto, ideya, at mga kaisipan na may kaugnayan sa paksa. Laging tandaan na ang gitna o katawan ng sanaysay ay dapat siksik sa mga impormasyon at kaalaman na sumusuporta at nagpapaliwanag ng paksa na tinatalakay.

Wakas
Sa sanaysay, mahalaga rin kung paano mo wakasan ang iyong akda. Ang wakas ang magsasara ng isang akda. Kinapapalooban ito ng buod o konklusyon ng paksang tinalakay na maaring maisulat sa pamamagitang ng tuwirang pagsabi, panlahat na pahayag, pagtatanong, o pagbubuod. Sa pagwawakas ng komposisyon, maaari ring gumamit ng kasabihan o paghahamon.

Narito ang isang halimbawa ng sanaysay na may klarong pag-aayos ng tatlong bahagi:

Isang Mabuting Desisyon ang Paghinto sa Pag-inom ng Alak (Sanaysay)
ni: J mula sa https://sanaysay-filipino.blogspot.com/

Kung tutuusin, isang napakadaling gawain ang pagpasok sa kahit anong uri ng addiction. Ang mas mahirap ay ang paglabas sa ganitong kondisyon kapag ikaw ay nalulong na. Ang alcohol ay isang nakaka-addict na substance. Kung patuloy mo itong aabusuhin sa matagal na panahon, maaari kang mahulog sa kanyang patibong. Maaari kang maging addict dito at mamamalayan mo na lamang na hindi mo na pala kayang kumilos kung wala ito. Magigising ka na lamang isang umaga na hindi mo na pala kayang mabuhay nang hindi umiinom. Sapagkat ang alak nga ay nakapasok na sa iyong sistema at ito’y nakagawa na ng isang malakas na impluwensiya sa iyong katawan at isipan. Na parang kasama na ito ngayon sa iyong regular na pangangailangan upang makagawa ng pang-araw-araw na gawain.

Alam nating lahat na ang alak ay isang mapanirang substance. Maraming masamang epekto ang labis na pagkonsumo nito sa ating kalusugan at buhay. At kahit na baliktarin mo ang sitwasyon at mundo, sigurado akong malalaman mong walang mabuting maidudulot ang labis na pag-inom nito lalo na sa pagtagal ng panahon. Kaya nga ang paghinto sa pag-inom ay isang mabuting desisyon na siyang makapagpapabago ng iyong buhay at pati na rin ang kalagayan mo sa iyong community at kapaligirang ginagalawan. Hindi rin natin dapat isa-isantabi na ang desisyong ihinto ang bisyong ito ay makabubuti sa iyong kinabukasan at makapagpapatibay pa ng lubos ng mga relasyong maaaring nasira noong nakaraan habang ipinagpapalit mo kang alak sa iyong mga mahal sa buhay.

Hindi madali ang huminto sa iyong nakasanayan. Lalo pa nga’t naimpluwensiyahan na nito ang iyong katawan at isipan. Pero kung ilalagay mo sa iyong utak ang gawaing ito, maaaring mapagtagumpayan mo ito kahit sa iyong sariling paraan. Mahirap na kung mahirap, ngunit maraming paraan upang makaalis ka sa iyong bisyo. At kung maghahanap ka lamang ng mga programa na maaaring makatulong sa iyo, magiging madali ang paghinto sa pag-inom ng alcohol.

Marami pang panahon para tumigil ka. Marami ring available na paraan para mapaglaban ang iyong kondisyon bilang isang alcoholic. Manghinayang ka sa panahon na inuubos mo lamang sa iyong pag-inom. Sikapin mong pahalagahan ang mga pera na ginagastos mo sa pagtangkilik sa mga inuming nakalalasing. At lagi mong isa-alang-alang ang mga mahal mo sa buhay na umaasang ikaw ay may kapasidad na magbagong buhay. Hindi kailanman maibabalik ang mga nasayang na ito at lalo pang madaragdagan kung patuloy kang iinom ng alak. Ngunit kahit hindi man maibalik ang mga nasayang na panahon at salapi, maaari mo pang baguhin ang takbo ng iyong buhay kung ititigil mo na ang iyong bisyo. At sigurado akong hindi na madaragdagan ang iyong mga problema bagkus ay magkakaroon ka ng mas magandang kalusugan at mabuting pamumuhay ngayon at sa darating pang panahon.

Leave a Comment