Anu-ano ang panahunan ng pandiwa?
Ang artikulong ito ay naglalayong talakayin ang tatlong panahunan ng pandiwa at magbigay ng iba’t-ibang mga halimbawa.
Sa nakaraang artikulo, natalakay ang kahulugan ng pandiwa at ang mga halimbawa nito. Ang pandiwa ay ang tawag sa mga salitang nagsasaad ng kilos o galaw ng isang tao, bagay, o hayop.
Ito ay may tatlong panahunan, ang Pangnagdaan, Pangkasalukuyan, at ang Panghinaharap.
Ang Pangnagdaan ay tumutukoy sa aspekto na nangyari na o naganap na o kilos o galaw na tapos nang mangyari.
Halimbawa sa pangungusap:
- Si Ana ay nagwalis sa kanilang bakuran.
- Hindi ko naabutan ang tindera ng kakanin na dumaan.
- Nakita ng bata ang nanay niya na umalis.
Sa Pangkasalukuyan, ang pandiwa ay nasa aspekto ng nagaganap sa kasalukuyan o ang kilos ay ginagawa pa.
Halimbawa sa pangungusap:
- Sa ngayon, naglalayag papuntang kabilang isla ang bangka.
- Tinatangal ni nanay ang agiw sa kisame.
- Ang bata ay tumatakbong papalapit sa kaniyang kalaro.
Ang Panghinaharap ay tumutukoy sa aspekto ng kilos kung saan ang pandiwa ay hindi pa nagyayari o gagawin pa lamang.
Halimbawa sa pangungusap:
- Aayusin ko mamaya ang mga gamit ko sa kwarto.
- Kapag dumating si nanay, magluluto ang ate ko ng masarap na ulam.
- Pag-uusapan sa barangay hall ang mga nangyaring gulo sa magkapitbahay.
Narito ang ilang halimbawa ng mga pandiwa sa tatlong panahunan:
- Sumakay, sumasakay, sasakay
- Kumain, kumakain, kakain
- Nagsulat, nagsusulat, susulat
- Umakyat, umaakyat, aakyat
- Nanood, nanonood, manonood
- Sumayaw, sumasayaw, sasayaw
- Umalis, umaalis, aalis
- Kumanta, kumakanta, kakanta
- Naligaw, naliligaw, maliligaw
- Tumalikod, tumatalikod, tatalikod
- Nagsinungaling, nagsisinungaling, magsisinungaling
- Sumigaw, sumisigaw, sisigaw
- Umikot, umiikot, iikot
- Bumaba, bumababa, bababa
- Nagtanim, nagtatanim, magtatanim