PANGHALIP: Kahulugan, Uri At Halimbawa

Ang PANGHALIP (pronoun sa Ingles) ay salitang ginagamit na inihahalip o pamalit sa isang pangngalan na nagamit na sa isang pangungusap.

Mayroong limang uri ng panghalip at ito ay ang mga sumusunod: Panao, Pamatlig, Pananong, Panaklaw, at Pamanggit. Sa artikulong ito, tatalakayin ang kahulugan ng bawat uri ng panghalip at ang mga halimbawa.

panghalip

PANAO – Ito ay katumbas ng “personal pronoun” sa Ingles. Ang mga salitang nabibilang sa uri na ito ay ginagamit na panghalili sa ngalan ng isang tao.

HALIMBAWA: Ako, Tayo, Sila, Kami

  • Ako ay masaya sa araw na ito.
  • Pumunta kami sa bahay ng aking kaibigan.
  • Sila lang ang hinihintay para mag-umpisa ang programa.
  • Tayo na lang ang hindi pa kumakain.

PAMATLIG – Sa Ingles, ito ay tinatawag na “demonstrative pronoun”. Ito ay ginagamit sa salitang panturo.

HALIMBAWA: Ito, Dito, Doon, Diyan

  • Ito ang araw na aking hinihintay.
  • Hindi sila pumunta doon sa bandang madilim.
  • Dito ako ipinanganak sa Luzon.
  • Diyan ka na lang maghintay sa tabi ng punong mangga.

PANANANONG – Tinatawag na “interrogative pronoun,” ito ay ginagamit sa pagtanong sa tao, hayop, pangyayari, lugar, at iba pa.

HALIMBAWA: Sino, Ano, Saan, Bakit

  • Saan ka nanggaling?
  • Bakit kaya masaya ang mga tao sa bayan nila?
  • Sino ang tumawag ng pangalan mo?
  • Ano ang ulam natin mamaya?

PANAKLAW – Ito ay ginagamit sa pagtukoy ng bilang ng tao o bagay. Sa Ingles, ito ay tinatawag na “indefinite pronouns.”

HALIMBAWA: Lahat, Alinman, Sinuman, Madla,

  • Sinuman ang walang sala ay siyang unang tumindig.
  • Lahat ng tao sa gilid kalsada ay nakatingin sa pulang sasakyan.
  • Alinman sa mga kahon ay maaaring dalhin mo.
  • Hindi nagustuhan ng madla ang kaniyang pag-aamok.

PAMANGGIT – Ito ay ginagamit bilang taga-pag ugnay ng dalawang pananalita at ito ay tinatawag na “relative pronoun” sa Ingles.

HALIMBAWA: Na, Ng

  • Ang babae na pumunta sa bahay ay tiyahin ko.
  • Hindi nakita ang payong ng bata na nilipad ng hangin.

Leave a Comment