Talumpati Tungkol Sa Kahirapan – Halimbawa Ng Talumpati

Halimbawa Ng Talumpati Tungkol Sa Kahirapan

TALUMPATI – Sa paksang ito, ating tatalakayin ang iba’t-ibang mga halimbawa ng talumpati tungkol sa kahirapan.

Ang talumpati ay isang opinion o kaisipan ng isang tao tungkol sa isang makabuluhang paksa o isyung panlipunan. Kadalasan, ito ay ginagawang pagpapahayag sa itaas ng entablado. Heto ang mga halimbawa ng Talumpati sa paksang kahirapan:

Talumpati Tungkol Sa Kahirapan – Halimbawa Ng Talumpati

KAHIRAPAN – CHRIEZIELLE ANNE CASANOVA

Pagnanakaw? Korupsyon? Pagbebenta ng droga? Ay ilan lang sa halimbawa ng resulta ng kahirapan. Isa sa pinakamalaking kinakaharap na problema ng ating bansa ay ang kahirapan.

Magandang araw sa lahat ng naparito upang aking talumpati ay mapakinggan at nawa’y isa-isip at isa puso po natin ang ating lahat na marinig. Dahil sa kahirapan, maraming tao ang nakakagawa ng kasalanan, dala ng kanilang kakulangan sa pera.

Sila ay napipilitang gawin ang mga bagay na hindi kanais-nais. Dahil dito, patuloy na dumarami ang bilang ng krimen sa ating bansa. Tayong mga Pilipino ay nahaharap ngayon sa isang matinding krisis.

Namumuhay tayo ng salat sa mga pangunahing pangangailangan upang tayo ay mamuhay ng matiwasay. Taon-taon ay mas lumalala pa ang problema ng ating bansa na hindi masolusyunan dala ng kahirapan.

Tayong mga kabataan ay ang siyang pag-asa ng bayan, tayo nang mag-aral ng mabuti upang ang kahirapan ay wakasan at pag-unlad ay atin ng simulan.

Kahirapan: Hamon sa Bawat Pilipino – Manny Villar

Hindi nakapagtataka na ang bawat administrasyon ay nagsisikap na pagandahin ang larawan ng bansa sa kabila ng matitinding suliranin, pero kung minsan ay tila nakakainsulto dahil sa kalabisan.

Isang halimbawa ang mga ginawang pagbabago sa paraan ng pagtaya sa lawak ng kahirapan. Isa sa mga binago ay ang pinakamababang komposisyon ng pagkain ng mga nasa Metro Manila upang ang isang pamilya ay hindi mabilang na dukha.

Sa dating panukat, ang food threshold sa almusal ay tortang kamatis, sinangag, kape para sa matatanda at gatas para sa bata. Sa bagong panukat, ang dapat ihain sa almusal ay pritong itlog, kape na may gatas at kanin. Wala na ang gatas para sa mga bata.

Marami ring nawala sa bagong panukat para sa tanghalian, meryenda at hapunan. Dahil sa mga pagbabagong ito, bumaba ang katumbas na sustansiya mula sa kinakain ng mga Pilipino para hindi mabilang na dukha. Ibinaba rin ang poverty income threshold o ang halagang dapat kitain ng isang pamilyang may limang miyembro para hindi mabilang na mahirap, mula sa dating P7,953.00 hanggang P7,017.00.

Dahil sa mga pagbabagong ito, ang bilang ng mahihirap na pamilya ay bumaba mula 4.9 milyon hanggang 3.9 milyon, at ang bilang ng mamamayang dukha ay bumaba ng isang milyon – mula sa 24.1 milyon hanggang 23.1 milyon.

Sa aking pananaw, hindi malulutas ng anumang pagbabago sa panukat ang kahirapan. Kahit ang 23.1 milyong lugmok sa kahirapan ay napakalaking bilang pa rin. Tinatalakay ko ang paksang ito hindi para tuligsain ang pamahalaan kundi para ipakita na ang kahirapan ay isang hamon na dapat harapin ng lahat ng mga Pilipino.

Ang unang hakbang para malutas ang kahirapan ay ang pagtanggap na ito ay suliranin ng bansa. Sa isang maysakit, walang magagawa ang sinumang manggagamot hangga’t hindi tinatanggap ng isang pasyente na siya ay maysakit.

Sa halip na pagandahin ang larawan ng kahirapan sa pamamagitan ng pagmamanipula sa mga panukat ay dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga proyektong makakalikha ng hanapbuhay, na magtataas ng antas sa pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino at sa bandang huli ay tunay na magpapababa sa bilang ng mahihirap.

BASAHIN RIN: Awiting Bayan Halimbawa – Kahulugan At Halimbawa Ng Awiting Bayan

Leave a Comment