Basahin ang mga halimbawa ng talumpati tungkol sa pamilya at iba pang mga usapin.
HALIMBAWA NG TALUMPATI – Ang talumpati ay isang buod ng kaisipan o opinyon para basahin o bigkasin at ito ang isang halimbawa.
Ano ang talumpati? Ayon sa Gintong Pamana, Wika, at Panitikan, ni Lolita R. Nakpil, ito ay isang sangay ng panitikang nagpapahayag ng kaisipan upang basahin o bigkasin sa harap ng mga taong handang magsipakinig. Ang mga tiyak na layunin ng talumpati ay humihikayat, tumugon, mangatwiran, magbigay ng kaalaman o impormasyon at maglahad ng isang paniniwala.

Ito ay may tatlong uri:
- Talumpating Walang Paghahanda
- Talumpating Pabasa
- Talumpating Pasaulo
Basahin ang halimbawa tungkol sa pamilya
Sa anumang oras ng pangangailangan, anumang hidwaan at hindi pagkakaunawaan mayroon tayo, sa hulit-huli ang pamilya pa rin ang ating natatanging kanlungan sa buhay.
Tayo bilang isa sa mga bansang nabibilang sa Asya ay may kaugalian at kulturang kinagisnan na may malapit na ugnayan sa bawat miyembro ng ating mga pamilya.
Hindi bago sa atin na nakakakita tayo ng mga uri ng pamilya sa ating lugar na kung saan ay halos lahat hanggang sa mga lolo, lola at mga tiyahin at iba pang kasapi ng pamilya ay kasama sa loob ng isang maliit na tahanan.
Hindi natin iniinda kahit na maliit ang tirahan at nagsisiksikan, ang mahalaga ay buo at masaya ang pamilya. Ganyan ang buhay pamilya nating mga Pilipino.
Ang ganitong uri ng sistema minsan ay may naidudulot na kabutihan, minsan naman ay may hindi magandang dulot. Maganda sa tanang, nakakabuo ito ng mahigpit na samahan at pagkakabuklod-buklod ng bawat isa.
Pero ang ganitong uri ng samahan minsan ay nagdudulot ng pagiging pala-asa ng mga iba. Hindi tayo matututo na tumayo sa ating mga sariling paa. Habang buhay tayong aasa sa lakas at tulong ng mga mahal natin sa buhay.
Ang pagkakaroon ng pamilya lalo na sa mga bago pa lamang ay hindi gawaing biro at laru–laro lamang. Kaakibat nito ay ang napakalaking obligasyon na nakaatang sa ating mga balikat.
Lalo na kapag may mga anak na tayo na umaasa sa atin. Ang pagpasok sa estadong ito ng buhay ay dapat na masusing pinag-hahandaan. Handa tayo dapat sa aspetong pang-pinansiyal at ganun rin sa emosyonal.
Walang kasing saya ang pakiramdam ng may pamilyang sarili na maituturing at maipagmamalaki mo sa buhay. Kayamanang tunay kung ito ay sabihin ng mga nakatatanda.
Ang pamilya na kahit ano pa mang uri ng bagyo ang pagdadaanan, ang samahan ay pansamantalang mabubuwag ngunit kusa pa rin itong mabubuo dahil sa masidhing pagmamahalan ng bawat isa.
Tungkol sa kabataan
“Iba na talaga ang mga kabataan ngayon” – mga salitang halos araw araw mong maririnig mula sa mga matanda. Sa dyip, sa kalye, sa palengke. Halos nakakabingi na nga ‘di ba?
Iba na nga talaga ang mga kabataan ngayon. Ang kabataan ng makabagong henerasyon na maraming alam sa bagong teknolohiya, maraming pangarap sa buhay, maraming nais maabot.
Ang totoo, maraming kapuri-puri sa mga kabataan ngayon. Marami sa atin ang hindi nakakakita nun dahil inaasahan nating maging pareho sila ng kabataan noon. Hindi pa ipinapanganak, nakakulong na sa ating mga ganito, ganun.
Ano sa tingin mo kaibigan? Hindi ba pwedeng hayaan natin silang mamuhay sa mundo na kinamulatan nila? Mahirap. Mahirap ang pilitin silang mamuhay sa mundong ibang-iba na rin.
Iba man ang kabataan ng makabagong henerasyon, tanaw pa rin nila ang pag-asa. Hindi man sa paraan na ating nakikita, pero malay mo, balang araw, mas magiging maliwanag ang mundo dahil sa kanila.
Pagnanakaw? Korupsyon? Pagbebenta ng droga? Ay ilan lang sa halimbawa ng resulta ng kahirapan. Isa sa pinakamalaking kinakaharap na problema ng ating bansa ay ang kahirapan.
Magandang araw sa lahat ng naparito upang aking talumpati ay mapakinggan at nawa’y isa-isip at isa puso po natin ang ating lahat na marinig. Dahil sa kahirapan, maraming tao ang nakakagawa ng kasalanan, dala ng kanilang kakulangan sa pera.
Sila ay napipilitang gawin ang mga bagay na hindi kanais-nais. Dahil dito, patuloy na dumarami ang bilang ng krimen sa ating bansa. Tayong mga Pilipino ay nahaharap ngayon sa isang matinding krisis.
Namumuhay tayo ng salat sa mga pangunahing pangangailangan upang tayo ay mamuhay ng matiwasay. Taon-taon ay mas lumalala pa ang problema ng ating bansa na hindi masolusyunan dala ng kahirapan.
Tayong mga kabataan ay ang siyang pag-asa ng bayan, tayo nang mag-aral ng mabuti upang ang kahirapan ay wakasan at pag-unlad ay atin ng simulan.