Narito ang kahulugan ng PANG-URI at mga halimbawa
Ang PANG-URI AY bahagi ng pananalita na nagbibigay deskripsyon, naglalarawan o turing sa ngalan ng tao, bagay, hayop, pangyayari, lugar, kilos, oras, at iba pa.
Sa madalas na pagkakataon, ang mga salitang nabibilang sa grupo na ito ay ginagamit ito upang mas bigyang linaw ang isang pangngalan. Ang bahagi ng pananalita na ito ay mayroong tinatawag na kayarian.
KAYARIAN NG PANG-URI
- Payak – matutukoy sa pagkakaroon nito ng salitang-ugat lamang.
Halimbawa: bilog, pula, hinog
Pangungusap: Pula ang kulay ng rosas na ibinigay ko sa kaniya. - Maylapi – matutukoy sa pagkakaroon nito ng mga salitang-ugat na dinudugtungan ng mga panlaping ma-, ka-, kasing-, sim-, at marami pang iba.
Halimbawa: matapang, kasing-laki, simbilis
Pangungusap: Simbilis ng motorsiklo ang takbo niya para mahabol ang magnanakaw. - Inuulit – matutukoy dahil inuulit nito ang buo o bahagi ng salita.
Halimbawa: araw-araw, puting-puti, liko-liko
Pangungusap: Pumupunta ng palengke ang nanay ko araw-araw. - Tambalan – matutukoy sa pagkakaroon nito ng dalawang salitang pinagtambal.
Halimbawa: ngiting-aso, kapit-tuko, ingat yaman, ningas-kugon
Pangungusap: Parang kapit-tuko ang bata sa bisig ng kaniyang tatay.
Bukod sa kayarian, mayroon ding tinatawag din na antas ng pang-uri. Narito ang uri nito at ang mga halimbawa.
ANTAS NG PANG-URI
- Lantay – Ito ay tinatawag na lantay kapag walang ipinaghahambing na dalawa o maraming bagay.
Halimbawa: mataas, mabigat, mahinhin
Pangungusap: Mabigat ang dala-dala niyang kahon. - Pahambing – Nasa pahambing na antas kapag may pinaghahambing na dalawang pangngalan, maaring tao, bagay, hayop, lugar, o pangyayari.
Halimbawa: mas mabilis, magkasing-lakas, mas malapad
Pangungusap: Magkasing-lakas lang ang dalawang nagdaang bagyo. - Pasukdol – Pasukdol naman ang tawag sa antas o kaantasan kapag ito ay nagpapakita ng pangingibabaw sa lahat.
Halimbawa: pinakamasipag, pinakamatapang, pinakamahaba
Pangungusap: Sa kanilang tatlong magkakapatid, si Juan ang pinakamatapang.
Basahin rin:
PANGNGALAN: Kahulugan, Uri At Halimbawa
PANGHALIP: Kahulugan, Uri At Halimbawa
KAHULUGAN NG WIKA, Uri at Katangian